Opening Statement: Visayas Indigenous Peoples Regional Assembly

  • September 24, 2011

Maayong aga sa inyo nga tanan!

Itinuturing ko pong isang malaking karangalan na makasama kayo sa pagbubukas ng ikatlong Indigenous Peoples Regional Assembly.

Bago po ang lahat, nais ko pong pasalamatan ang National Commission on Indigenous Peoples na namagitan para sa pagdalo ng mga punong-katutubo ng Ka-Bisayaan at mga lalawigang-isla sa Luzon.

Nagpapasalamat din ako sa Department of Environment and Natural Resources, Province of Iloilo, ang National Commission for Culture and the Arts at ang International Labor Organization sa pagsuporta sa inisyatibang ito.

Bilang pinuno ng Senate Committee on Cultural Communities, Committee on Climate Change at Committee on Foreign Relations, hayaan ninyong ipaliwanag ko at ibigay ang konteksto at layunin ng pagtitipong ito.

Sa maraming beses kong paglilibot sa mga iba’t ibang lalawigan sa bansa, dinadala ako ng bawat pagbisita sa pagtuklas ng mayamang kultura ng mga katutubo – ang inyong tradisyunal na habi, awit, sayaw na nagsasalaysay ng buhay ng inyong mga ninuno, at ang pamumuhay na hinahangad ninyong pangalagaan.

Ang mga pagtitipong ito ay nagbigay sa akin ng masidhing pagpapahalaga at pagmamalaki sa ating kalinangan na pinagyayaman ng mga katutubo. At ang paghahangad kong isulong ang pamanang ito at ang kapakanan ng mga tagapangalaga nito ang nagbigay-inspirasyon sa aking pulungin kayo ngayon. Akma ang pagtitipong ito upang magkaroon ng higit na pang-unawa ukol sa inyong mga pangangailangan.

Sa nakaraang dalawampung taon, marami nang mahahalagang tagumpay para sa mga katutubong Pilipino – sa tulong ng NGOs, akademya at ahensya ng pamahalaan – sa pagtatanggol sa inyong karapatan. Pinaka-importante dito ang pagsasabatas ng Indigenous Peoples Rights Act of 1997, na nagbalik sa inyong karapatan na pamahalaan ang lupaing ninuno at nagdiin sa pangangailangan para protektahan ang integridad ng kulturang inyong nakagisnan.

Pero siguro pare-pareho naman nating mapatutunayan na pagdating sa pag-aangat sa kabuhayan at pangangalaga sa kultura, marami pang kailangang ipatupad.

Kulang pa rin ang access ng mga katutubo sa serbisyong medical at edukasyon. Kailangan pa ng higit na suporta para sa pagpapaunlad ng mga lupaing ninuno at pagpapabuti ng kabuhayan ng bawat katutubo. Hindi pa rin napapalaganap at nasusupil pa din ang tradisyunal na kaalaman, kakayahan at kasanayan.

Layunin ng Regional Assembly na ito na bigyan ng pagkakataon ang mga katutubong grupo para maiparating ang mga bagay na ito sa kinauukulan. Ang Assembly na ito ay magsisilbing mekanismo para palakasin ang tinig ng mga lider katutubo sa pakikipag-usap sa mga mambabatas, sa lokal na lebel at maging sa nasyunal.

Nawa’y magsilbing pundasyon ang pulong na ito ng isang pangmatagalang pagtutulungan.

Gusto naming marinig kayo para magabayan kami sa aming gagawin. Gusto naming gumawa ng batas na kayo ang tunay na may-akda.

Inimbitahan din natin ngayon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at opisyal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa rehiyon. Nandito rin ang mga kasama natin mula sa larangan ng edukasyon at media, hindi lang para maitala ang proseso kundi maging aktibong kabahagi din ng inisyatibang ito.

Muli, hayaan ninyo akong ipaliwanag sa inyo ang magiging takbo ng pagtitipong ito.

Tatalakayin ni Dr. Alicia Magos at mga lider-katutubo ang mga matatagumpay na Schools of Living Tradition at kabuhayan na nag-ugat sa kultura ng katutubong pamayanan.

Bilang pagkilala sa pagsandig ng mga katutubo sa lupaing ninuno, kagubatan at watershed sa kanilang ikinabubuhay – at kung paano ito nalalagay sa panganib dahil sa climate change, ipaliliwanag ng DENR ang epekto ng kakaibang pagbabago ng klima at paano ito haharapin.

Ibabahagi din po natin ang mga dokumentaryong ating ginawa kaugnay ng climate change gaya ng “Buhos” at “Ulan sa Tag-Araw”. Ipaliliwanag po dito ang siyensya ng climate change at kung paano ito nakaapekto sa lipunan, kabuhayan at kalusugan ng mga katutubong lantad sa bantang ito.

Bukas naman po, tatalakayin ang ILO Convention 169: The Indigenous and Tribal Peoples Convention,  na nagsasaad na karapatan ng bawat katutubo ang buong proteksyon laban sa paglabag sa kanyang karapatan at ang kalayaang mamuhay nang hindi binabagabag ng diskriminasyon.

Tayo po ay umaasa na ang palitan ng mga ideya at karanasan ay magbubunsod ng isang mahusay at epektibong talastasan.

Gusto ko pong idiin na ang assembly na magaganap ay isang konsultasyon.

Kumbaga, inilalabas po natin sa apat na sulok ng Senado ang pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities at Committee on Climate Change, upang higit na maunawaan at matugunan ang inyong mga hinaing at pangangailangan.

May listahan po ako ng mga prayoridad kong maisabatas para sa mga IP.

Una, nais kong malaman kung gaano talaga karami ang mga IP. Ano ang pangkalahatang populasyon at kinalalagyan ng mga katutubong grupo? Sa ngayon po kasi, luma na ang datos na pinagbabatayan nila, kaya ang mga tulong na dumarating – kung nakararating man ay hindi sapat.  Ito po ang dahilan ng aking paghahain ng Senate Bill No. 2858 o  Ethnic Origin Act. Gusto po nating makakuha ng malinaw at hustong datos sa mga katutubo.

Bilang proteksyon sa indigenous knowledge and cultural heritage, inihain ko naman ang Senate Bill No. 2831 o Traditional Property Rights of Indigenous Peoples Act. Layunin naman nito na magkaroon ng imbentaryo ng lahat ng cultural properties ng IPs. Kailangan din po na kung may gagamit ng iyong cultural properties, magbabayad ng royalties.

Nakatakda ko pong i-depensa sa plenaryo ang panukalang Anti-Ethnic or Racial Profiling and Discrimination Act of 2011, na nagpaparusa sa sinumang gumawa ng diskriminasyon laban sa katutubo sa larangan ng trabaho, edukasyon, sa paghahatid ng serbisyo, akomodasyon, transportasyon at media.

Ang iba pang panukala na nakasalang sa ating Committee para sa IPs ay:

  • Bigyan ang mga katutubo  ng access sa information and communications technology;
  • Magtayo ng Pilot Housing Projects sa bawat rehiyon na nakabatay sa kultura at tradisyon ng IPs;
  • Bumuo ng Philippine Center for Studies on Indigenous Cultural Communities sa Unibersidad ng Pilipinas;
  • Bigyan ng karagdagang sampung taon ang NCIP na maghain ng kaso sa pagbawi ng mga lupaing ninuno na  illegal na napa-tituluhan; at
  • Irekomenda sa DENR na ipalaganap ang mga kasanayan ng mga katutubo sa pangangalaga sa kagubatan.

Sa ating mga naunang assemblies, naihayag ang pangangailang tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng mga batas at polisiya ukol sa ating kalikasan at ang pagtitiyak na nakaayon ang mga ito sa mga probisyon ng IPRA.

Sa ating malayang talakayan ngayong araw, inaanyayahan kong magbigay ng pahayag ang ating mga lokal na opisyal.

Malugod din nating iniimbitahan ang pahayag mula sa mga kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga SUCs at ng ibang sektor.

Umaasa ako ng isang matagumpay na talakayan at umaasa akong bawat isa sa inyo ay magpapahayag ng kanyang damdamin.

Madamo gid nga salamat sa pagtambong subong nga adlaw kag ginakalipay ko nga makita kamu tanan!

  • September 24, 2011 |
  • Posted in Speeches |
  • No Comments